Nakalatag na ang inihahandang seguridad ng PNP para matiyak na magiging maayos at mapayapa ang araw ng panunumpa ni President Elect BBM , ayon kay PNP Officer in Charge Ltgen Vicente VIC Danao.
Aniya, nasa 8,000 tauhan ng Philippine National Police ang ipapakalat sa inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa June 30 sa National Museum.
Kinumpirma ni Manila Police District (MPD) Chief Police Brigadier General Leo Francisco na nasa sa 4,400 na pulis ang ide-deploy mula sa kanila command bukod augmentation force na ikinasa ng PNP- National Capital Region Police Office at National Headquarter.
Layon aniya nito na matiyak ang seguridad sa gagawing inagurasyon ng susunod na presidente ng bansa.
Kasabay nito, sinabi ni Francisco na wala silang natatanggap na anumang banta sa araw ng oath-taking ni Marcos pero mahigpit ang kanilang monitoring.
Papayagan din ang kilos protesta basta ito ay sa Freedom Park lang aniya gagawin.
Samantala tiniyak naman ng PNP na may sapat ang pwersa na ide-deploy ang Philippine National Police Region 11 para tiyakin na magiging payapa ang gagawing inagurasyon ni Vice President-elect Sara Duterte-Carpio sa Davao City sa June 19.
Una nang itinatag ng PNP ang Task Manila at Task Force Davao kaugnay sa inilalatag na security blanket sa dalawang makasaysayang kaganapan sa bansa .
Ayon kay PNP Directorate for Operations Director Major Gen. Valeriano de Leon, may sapat na tauhan ang PNP Region 11 para i-deploy sa gagawing inagurasyon ng bagong bise presidente.
Magsu-supervise lamang daw sila para i-monitor kung kinakailangan ba ng augmentation force mula sa PNP National Headquarters.
Pero hanggang sa ngayon ayon kay Del Leon ay walang nakikitang pangangailangan ang PNP para magkaroon ng augmentation force.
Handa aniya ang PNP Region 11 sa pagbabantay mula sa trapiko hanggang intelligence monitoring.
Nabatid na todo ang ginagawang security preparation sa inagurasyon ni VP-elect Sara Duterte-Carpio dahil inaasahang dadaluhan ito ni Pangulong Rodrigo Duterte at ilan pang kapamilya at mga kaibigan sa pulitika.
Tiniyak ng Philippine National Police na walang anumang banta sa inagurasyon ni Vice President-Elect Sara Duterte-Carpio sa Davao City sa June 19. (VICTOR BALDEMOR)