Mas pinaigting pa ng Light Rail Transit Line 2 (LRT-2) ang seguridad na ipinaiiral nito sa kanilang linya, kasunod na rin nang inaasahang pagdagsa ng mga train commuters sa 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) at Undas.
Ayon kay Light Rail Transit Authority (LRTA) Administrator Atty. Hernando Cabrera, naka-alerto na sila upang magbigay ng ligtas na biyahe sa kanilang mga pasahero.
“Naka #LRTAlert na ang Light Rail Transit Authority (LRTA) para makapagbigay ng ligtas at maginhawang biyahe sa mga pasahero sa Barangay at Sanggunian Kabataan Elections at #Undas2023,” abiso pa ng LRTA nitong Miyerkules.
“Naka-full force na po tayo para matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero ng LRT-2,” dagdag pa niya. “Makakaasa po kayo na handa po kaming umalalay para maihatid kayo ng ligtas, maayos at maginhawa sa darating na Barangay at SK Elections at sa paggunita natin sa Undas.”
Matatandaang una nang inatasan ng Department of Transportation (DOTr) ang lahat ng pampublikong transportasyon na tiyakin na mabibigyan ng ligtas at maginhawang biyahe ang mga pasahero sa eleksyon sa Lunes, October 30 at sa paggunita ng All Saints’ Day at All Souls’ Day sa November 1 at November 2.
Samantala, mananatili namang regular na operasyon pa rin ang ipatutupad ng LRTA sa LRT-2 sa mga naturang araw.
Anito, aalis ang unang tren sa Recto Station at Antipolo Station ng 5:00AM habang ang huling tren naman sa Antipolo ay aalis ng 9:00PM at 9:30 sa Recto Station.
“Dapat #LRTAlert ngayong Barangay & SK Elections at #Undas2023,” ayon pa sa LRT.














