Latest News

SEGURIDAD NI ALICE GUO, TITIYAKIN NG PNP SA PAGPUNTA SA SENADO

By: Victor Baldemor Ruiz

BAGAMAT duda ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na may banta sa kanyang buhay ang tumakas na dismissed Bamban, Tarlac mayor Alice Guo ay titiyakin umano ng Philippine National Police ang seguridad nito sa pagtungo sa pagdinig sa Senado.

Una nang inihayag ni PAOCC spokesperson Winston Casio na duda sila sa pahayag ni Alice Guo na may banta sa kanyang buhay kaya tumakas siya palabas ng bansa para magtago.

Ayon kay PNP spokesperson Col. Jean Fajardo, hindi nila pwedeng balewalain ang posibilidad hinggil sa death threat sa buhay ni Guo, kaya ibibigay nila ang kinakailangang proteksyon para dito.


Ayon sa PNP, nakaposas at magsusuot ng bulletproof vest si Guo sa pagpunta nito sa Senado para dumalo sa legislative investigation kaugnay sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Si Guo ay ihahatid sa Senado sakay ng PNP coaster at inaasahang aalis sa kanyang custodial facility bandang alas-8 ng umaga para dumalo sa pagdinig na sisimulan bandang alas-10 ng umaga.


Magugunitang hindi muna naglagak ng piyansa si Guo sa kinakaharap niyang kaso sa Tarlac Regional Trial Court, subalit sinang-ayunan ng korte na pansamantalang i-commit siya sa Camp Crame Custodial Center.

Una nang inaprubahan ng Tarlac RTC ang hiling ng Senado na padaluhin si Guo sa pagdinig.


Ang Capas, Tarlac Regional Trial Court ay nag-isyu ng warrant of arrest kay Guo matapos itong sampahan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ng kasong paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act kaya ito naka-detain ngayon sa custodial facility ng PNP.

Ayon sa abogado ni Guo na si Stephen David, hindi na sila naglagak ng piyansang tig-P90,000 para sa dalawang counts ng graft.

Tags: Alice Guo

You May Also Like

Most Read