Ni JANTZEN ALVIN
MGA kasong sedition at grave threat ang isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Department of Justice (DOJ) laban kay Vice President Sara Duterte, kaugnay sa bantang pagpatay kina Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at House Speaker Martin Romualdez.
Ang kaso ay inihain sa tanggapan ni Prosecutor General Richard Fadullon sa DOJ, matapos iirekomenda ng limang abogado ng NBI sa pangunguna ni NBI Director Jaime Santiago.
“Nai-file na po natin sa DOJ at nasa DOJ na ang bola ngayon. Ide-determine nila kung magko-conduct sila ng preliminary investigation at kung kailangan i-file ang case sa court,” ani Santiago.
Ang kaso ay nag-ugat sa mga sinabi ni Duterte sa isang zoom press conference na ini-ere ng ilang social media platforms, na sakaling mapatay siya ay kumuha na umano siya ng taong papatay sa tatlong pinakamataas na lider ng bansa.
Hindi dumalo si Duterte sa patawag ng NBI at sa halip ay nagpadala lang ng liham sa pamamagitan ng kanyang abogado.
Rerebisahin ng National Prosecution Service ang mga ebidensya bago magtatakda ng petsa para sa pagsasagawa ng preliminary investigation. #














