NAGSIMULA nang maghanda ng ilalatag na security blanket ang pamunuan ng Philippine National Police at maging ang Armed Forces of the Philippine bilang suporta sa gaganaping inauguration at oathtaking ceremony ni President-elect Ferdinand Bong Bong Marcos at Vice-President Elect Sara Duterte.
Inihayag ni PNP Director for Operations PMaj. General Valeriano De Leon kasabay ng pahayag na inaasahan na nila ang pagdagsa ng malaking bilang ng mga taga suporta nina PBBM at VP Sara Duterte sa inauguration day.
Bagamat hindi pa inihahayag kung sabay na manunumpa sina BBM at VP Sara at maging ang venue na gagamitin.
Nabatid na kasama sa mga pinaghahandaan ng mga pulis at sundalo ang posibilidad na sabayan ng kilos protesta ng mga militanteng grupo ang inauguration day gaya ng isinagawa nuong proklamasyon ng Unity team.
Magugunitang nagkagirian ang mga pulis at mga raliyista sa harapan ng CHR compund kung saan ay ginamitan pa ng water cannon ang mga nagkikilos protesta bagaman’t maaga itong na-resolba at nasunod ang mga security preparations.
“The PNP expects a large number of supporters to attend this activity and at this early, we are already preparing to ensure the peaceful and orderly conduct of this event,” ani De Leon
Ayon kay Police Maj. Gen. Valeriano de Leon, ang kanilang inihahandang security preparation ay para sa sabay o magkahiwalay na proclamations ng dalawang pinakamataas na pinuno ng bansa.
Nauna ng inihayag ni VP Sara na binabalak niya ang mas maagang inauguration upang makasama niya at ng kanyang pamilya si President Rodrigo Roa Duterte sa pagbaba nito sa Malacanang sa June 30.
Bukod sa paghahanda, ipinaabot na rin ng buong PNP organization sa pangunguna ni PNP Officer in Charge PLt. Gen. Vicente Danao ang kanilang pagbati sa dalawang nahalal na pinakamataas na opisyal ng bansa.
Ito’y kasunod ng pormal na proklamasyon ng dalawang opisyal bilang susunod na mga pinuno ng bansa.
Sa isang statement, tiniyak ni PLT. Gen Danao ang buong suporta ng 225,000 tauhan ng PNP sa susunod na administrasyon.
Siniguro din ni Danao na mananatiling tapat ang buong hanay ng PNP sa konstitusyon, sa watawat ng Pilipinas, at sa “duly constituted authorities”.
Inihayag naman ng AFP na may sapat silang puwersang inihanda para ayudahan ang PNP kung kakailanganin. (VICTOR BALDEMOR)