“IT’S all systems go” na para sa Philippine National Police (PNP) kaugnay sa nakatakdang pagsikad ng campaign period para sa mga local elective positions sa buong bansa na magsisimula ngayong Biyernes .
Ayon kay PNP Chief, Police General Dionardo Carlos, kasado na ang inilalatag nilang security plan para tiyakin na maging “honest, orderly at peaceful” ang lokal na pangangampanya.
Sinasabing maging ang ang kampanya ng PNP laban sa mga private armed groups ay nakalatag na rin.
Magugunitang nagkaroon ng pagpupulong ang COMELEC, PNP at Armed Forces of the Philippine para makabuo ng kinakailangang security preparations at kasama rito ang pagtukoy sa mga tinaguriang “hot spots” at “areas of immediate concerns” kabilang ang lugar o political clans na may mga private armed groups (PAGS).
Sinabi pa ni Gen Carlos na mahigpit na mino-monitor ng pulisya ang mga private armed groups na hinihinalang minamantina ng mga pulitiko sa bansa.
Katuwang ang AFP ay mahigpit na tinututukan ng PNP ang mga kandidato na gumagamit ng PAGS particular sa ilang areas na sakop ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao, maging sa ilang lalawigan sa Bisaya at Luzon.
Samantala, para sa mga pulitikong may mga banta at nasa lugar na mahigpit ang tunggalian o may kasaysayan ng karahasan ay pinaghandaan din ng PNP.
Ayon kay Carlos , nakahanda na ang kanilang security package para sa mga incumbent local candidates na tumatakbo ngayong halalan at maging sa iba pang mga kandidato na may security threat.
Sinabi ni Gen. Carlos na nagkaroon sila ng pagpupulong kung saan ibinaba niya ang specific actions hinggil sa security issue ng mga kandidato na nangangailangan ng dagdag na seguridad.
Nabatid na kinakailangang sumailalim muna sa masusing threat assessment ang mga kandidato na humihiling ng dagdag na security detail mula sa PNP.
Ipinahayag ni Gen. Carlos na kanilang idi-deploy ang mga security escorts sa mga local candidates ilang araw bago magsimula ang local campaign. (VICTOR BALDEMOR)