SIMULA kahapon ay opisyal nang nanungkulang muli bilang Defense Secretary si Gilbert Teodoro na nagbalik sa Department of National Defense matapos ang may 13 taon nang huli siyang nagsilbi sa parehong posisyon.
Kasunod ng inalay na ‘arrival honors’ para sa newly-appointed Secretary of National Defense, pinasimulan ni Teodoro ang kanyang official function sa isang pulong-balitaan DND Main Building .
Bukod sa Armed Forces of the Philippines Modernization Program at Defense and Security issue ay kakaharapin ng bagong kalihim ang isyu sa umanoy kumakalat na banta ng mass resignation sa hanay ng kasundaluhan, bunsod ng isinusulong na pension plan para sa mga uniformed personnel at ang umiinit na tension sa West Philippine Sea.
Tiwala naman ang National Security Council (NSC) sa kakayahan at galing ni Teodoro na matutugunan nito lahat ang mga kakaharaping suliranin ng kagawaran.
Ayon kay National Security Adviser Sec. Eduardo Año, hindi matatawaran ang malawak na karanasan ni Teodoro at ang mga naiambag nito sa kampanya ng pamahalaan kontra terorismo, gayundin ang pagtataguyod ng karapatan at soberanya ng Pilipinas sa harap ng tensyon sa West Philippine Sea (WPS).
Kasunod nito, kumpiyansa si Año na magiging maganda ang ugnayan ng NSC at DND sa pagharap sa mga hamon sa pambansang seguridad.
Si Sec. Teodoro ay dati nang nagsilbing kalihim ng DND mula 2007 hanggang 2009 sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
‘Welcome’ din umano sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang pagkakatalaga kay Atty. Gilberto “Gibo” C. Teodoro, Jr. para humawak sa defense portfolio.
“Sec. Teodoro’s strategic insights, deep understanding of international relations, and staunch commitment to strengthening our national defense will be crucial in shaping our country’s security policies and in facing future security challenges,’ sa inilabas na pahayag ng DILG na pinamumunuan ng abogado din na si Atty Benhur Abalos .
“We look forward to working closely with Sec. Teodoro and assure him of the support and cooperation of the Department, the Philippine National Police, and our local government units (LGUs) in the programs and policies that he will implement for the general security and peace of the country,” ani Sec Abalos.














