Sa sinagawang command conference sa Department of National Defense ay nagbaba ng kanyang guidance si Secretary Gilberto “Gibo” Teodoro bilang Chairperson ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa NDRRMC at Office of Civil defense hinggil sa paghahanda sa naka ambang pagputok ng Bulkang Mayon.
Ayon kay Sec Teodoro, lubhang mahalaga ang ‘timely and orderly evacuation’ ng mga pamilya na nasa mga apektadong komunidad at prepositioning ng mga instrumento at mga kagamitan para sa relief operations
Nabatid na pinulong ng kalihim sa kanilang NDRRMC Operations Center ang mga sangkot na ahensya ng gobyerno sa panahon ng kalamidad matapos na itaas ng Phivolcs ang antas ng alerto sa Mt. Mayon at maging sa Mt. Taal na sinabayan pa ng bagyo.
Kaugnay nito ay minobilisa ng Philippine Army ang disaster unit nito para sa nagpapatuloy na pagbabantay sa Bulkang Mayon.
Ayon kay Col. Xerxes Trinidad, Office of Army Public Affairs Chief kasabay ng nagpapatuloy na monitoring ng pamahalaan sa galaw ng bulkan, pinakilos na ng Phil Army ang kanilang 9th Infantry ‘Spear’ Division, para itatag ang Task Force Sagip.
Ang Task Force Sagip ay tututok sa Humanitarian Assistance and Disaster Response (HADR) operations sa lugar, kung saan agad itong makipag-ugnayan sa Office of the Civil Defence 5, at mga local government units sa lugar.
Sa kasalukuyan, regular din aniya ang komunikasyon sa pagitan ng 9th Civil Military Operations ng 9ID, kasama ang 504th Community Defense Center, 5th Regional Community Defense Group, at iba pang friendly forces, para sa anumang isasagawang operasyon.
Nabataid pa na nauna nang pinagalaw ng 903rd Infantry Brigade na may sakop sa mga probinsya ng Albay, Sorsogon, at Masbate, ang Emergency Response Team nito, habang tumulong na din ang 31st Infantry Battalion sa isinagawang mandatory evacuation sa mga residente na nasa ilalim ng 6-kilometer radius danger zone.