Walang “business” ang ibang mga bansa na kwestyunin ang ginagawa ng Pilipinas sa loob ng teritoryo nito.
Ito ang binigyang diin ni Defense Secretary Gilbert Teodoro, kasabay ng pagsabi na ang lahat ng bansa ay nagtatayo ng kanya kanyang base militar, at hindi ito pinakikialaman ng Pilipinas, maliban na lang aniya kung ito ay itinayo sa pinag-aagawang teritoryo.
Pinatutungkulan ng kalihim ang mga base militar ng Pilipinas na pagtatayuan ng mga pasilidad ng mga Amerikano sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).
“You know what, if its proximity to Taiwan is a geographical accident and other people are paranoid about it, it’s their problem. For me, my concern is the Philippines’ national interest and national security, and we will have to put bases, not necessarily EDCA, throughout our archipelago. We are pursuing an archipelagic doctrine with baselines, and we have to protect that. The paranoia of other people may be, rightly so, is taken into consideration, but national security is paramount,” ani Teodoro
Magugunitang una nang nagpahayag ng pagkabahala si Chinese Ambassador to the Philippines Huang Xilian sa apat na karagdagang EDCA sites na aniya’y gagamitin ng Estados Unidos para makialam sa sitwasyon sa Taiwan dahil sa lokasyon ng mga ito.
Paliwanag ni Teodoro ang mga EDCA sites ay mga base ng Pilipinas na pangunahing para sa seguridad ng bansa, at gagamitin lang ng Estados Unidos para sa logistics at mga joint military exercises.
Binigyang diin pa ng kalihim na ipinagbabawal ng konstitusyon ng Pilipinas ang paglulunsad giyera o opensibang aksyon sa ibang bansa, at kung paranoid ang ibang mga bansa sa posibleng pag-gagamitan ng mga base ay problema na nila yun.
Nagkataon naman na nasa bansa ang mga US aircraft dahil sa katatapos lang na marine aviation support activity ng Pilipinas at US Marines.
Nitong Huwebes ay nagsagawa ng joint relief operations ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at US Armed Forces sa Lal-lo airport, sa Cagayan bilang tulong sa mga nasalanta ng bagyong Egay.
Ipapadala naman ang nasa mahigit 1,200 family food packs sa mga nasalanta ng bagyong Egay sa Fuga at Calayan Islands.
Sa pagbisita nina Defense Secretary Gilbert Teodoro Jr. at AFP Chief of Staff Gen. Romeo Brawner Jr. sa Lal-lo airport na isa sa mga tinukoy na bagong Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sites sinabi ng kalihim na dapat pabilisin pa ang pagpapagawa ng mga pasilidad sa nasabing paliparan.
“Ang original intent ng EDCA sites is for humanitarian assistance and disaster relief. Gusto natin mag preposition ng mga kagamitan na pwede pang tulong sa mga kababayan nating nasalanta ng bagyo ano mang kalamidad and also pati na rin ang relief goods so kaya napakahalaga ng ganitong EDCA sites ng sa gayon ay magagawa natin yung pagtulong sa ating mga kababayan jointly in very efficient manner,” pahayag naman ni General Brawner.














