INIREREKOMENDA na itigil na ang ginagawang search and retrieval operations sa Masara landslide sa Maco, Davao de Oro base sa assessment ng Incident Management Team makarang ilang araw ng walang nakikitang labi sa ilalim ng guho.
Sa kabuuan mula February 6, umakyat sa 93 ang bilang ng bangkay na na-recover at 79 dito ay naibigay na sa kani-kanilang mga pamilya habang sinasabing may walo pa ang nanatiling ‘missing’.
Nilinaw naman ng IMT na ang naunang bilang na 98 retrieved bodies ay kabilang ang mga recovered body parts.
Kaugnay nito, oras na mabigyan ng go signal ng IMT ay tatangkain nang i-clear ng mga search, rescue and retrieval team ang landslide site sa Masara.
Ayon kay Mawab Municipal Information Officer Jiesyl May Tan, sa lalong madaling panahon ay inaasahang matatapos na ang ginagawang operasyon ng mga kinauukulan sa lugar ng landslide, nguni’t naka-depende pa rin aniya ito sa magiging rekomendasyon ng mga incident commanders ng Incident Management Team dahil mayroon pa ring walong indibidwal ang nananatiling nawawala.
Pero ayon naman kay Tan, posibleng kabilang na aniya ang walong mga nawawala sa 14 na mga unidentified bodies at body parts na kanilang narekober.














