Nagsisimula ng maagnas ang katawan ng isang 43-anyos na seaman nang madiskubre sa loob ng isang hotel sa Malate,Maynila. ng kanyang misis na bumiyahe pa mula sa Digos,Davao del Sur ,kamakalawa ng hapon.
Kinilala ni PCpl Gary Reyes ng Manila Police District-homicide section ang biktimang si Glenn Alcalde, nanunuluyan sa Rm. 204 Everwin Hotel sa Malate, Maynila.
Ayon kay Roseter Alcalde ,43 at misis ng biktima, nag-alala siya dahil hindi na sumasagot at tumatawag sa kanya ang mister matapos na huling makausap noong Pebrero 12, kaya ipinasiya niya na bumiyahe pa-Maynila para alamin ang kalagayan ng asawa.
Kaagad umanong dumiretso ai Roseter sa kuwarto ng biktima at nang katukin ay walang sumasagot kaya humingi siya ng tulong sa receptionist na si Rosalinda Nievares.
Pagbukas ng pintuan ay kaagad na umalingasaw ang masangsang na amoy at nakita na nagsisimula nang maagnas ang katawan ng biktima.
Nabatid na noong huling makausap niya ang mister ay nagreklamo ito na nanginginig siya at may matinding sipon.
Nalaman na pinauwi umano ang biktima noong Pebrero 3 ng shipping company na Marlow Navigation para magpa-konsulta sa Manila Doctors Hospital kaugnay sa kanyang sakit at nalaman na mayroon itong hypertension.
Dinala ang biktima sa Loyola Memorial Park para doon na i-awtopsiya at iburol.














