WALA nang nagisnang umaga ang isang national athlete at miyembro ng Philippine Air Force nang pagsasaksakin ito habang natutulog sa bahay ng isang barangay kagawad kahapon ng madaling araw sa Calapan City sa Oriental Mindoro.
Patay ang biktima na si Mervin Maligo Guarte, 33, Southeast Asian Games (SEAG) gold medalist at miyembro ng Philippine Air Force na nakatalaga sa Fernando Air Base sa Lipa City, bunsod ng mga tinamong saksak sa dibdib nitong Martes ng madaling-araw, ayon sa pulisya.
Nagawa pang maitakbo si Guarte sa Sta. Maria Village Hospital bago inilipat sa Mindoro Medical Center kung saan siya idineklarang patay.
Lumilitaw sa imbestigasyon na naganap ang krimen sa bahay ng kaibigan ng biktima na si Barangay Kagawad Dante Abel sa Sitio Pinagkaisahan sa Barangay Camilmil, Calapan City, bandang 4:30 ng umaga, ayon kay Lt Col. Roden Fulache, hepe ng Calapan City police.
Natutulog umano si Guarte sa sala ng bahay ni Abel nang saksakin sa dibdib ng hindi pa nakikilalang salarin.
Nanalo si Guarte ng dalawang silver medal noong 2011 Southeast Asian Games para sa men’s 800-meter and 1500-meter events sa track and field. Matapos nito, lumipat siya sa obstacle racing kung saan nanalo siya ng ginto noong 2019 SEA Games sa men’s 5km at parte rin siya ng team na nanalo ng gold medal noong 2023 SEA Games sa men’s team relay.
Lumalabas sa imbestigasyon na dumayo lamang ang biktima sa lugar at nakipag-inuman mula Lunes ng gabi hanggang alas-3 ng madaling-araw kinabukasan.
Ayon kay Fulache, inaalam na nila kung sinu-sino ang mga nakainuman ng biktima para matukoy ang mga suspek at motibo sa krimen.
Narekober ng mga imbestigador sa lugar ng krimen ang kutsilyo na ginamit sa pagpatay kay Guarte.#














