Scam hub sa Maynila, sinalakay ng PNP-ACG

By: JANTZEN ALVIN

Nasa kustodiya ngayon ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) ang 69 dayuhan at 47 Filipino matapos na salakayin ang isang commercial at residential establishment sa kahabaan ng Adriatico Street sa Maynila na pinaniniwalaang scam hub.


Nabatid na kasama ng PNP ang mga tauhan ng Philippine Gaming Amusement Corporation (Pagcor) nang isilbi ang search warrant nitong Martes dakong alas-9 ng gabi kaugnay sa umano’y ‘live illegal online love scam’ at cryptocurrency investment scam sa isang oopisina sa lugar.

Ayon Kay PCol. Jay Guillermo, hepe ng Cyber Response Unit sa PNP ACG, kabilang sa binitbit ang 35 Chinese nationals, 11 Indonesian at 10 namang Malaysian.

Sinabi ni Guillermo na may reklamo sa kanila na sangkot umano sa love scam modus ang isang oopisina sa 23rd floor.


Ang modus umano ay mayroong maghahanap ng.ka-relasyon at ang iba naman ay hinihikayat na mag-invest sa cryptocurrency.

“Because this is in relation to [the violation of] Sec. 6 ng RA 10175, we were able to see and check the computers… we will be extracting all the pieces of evidence na puwedeng makita sa cellphone and the device. And that would be the time we would be checking sino ba ang responsible sa krimen,”ani Guillermo.


Wala umanong nakuhang ‘big boss’ sa pitong oras na raid at puro empleyado lamang ang inabutan.

Sa kabila umano na kanselado na ang kanilang lisensiya noon pang Nobyembre 2023 ay patuloy ang pag-operate sa mga naturang ilegal na gawain.


“Parang automatic na kapag ikaw ay Indonesian, may automatic translator na foreign language. So siyempre kung ako mag-eencode – Malaysian, Chinese. I-eencode ko muna sa aking language tapos automatic na mag-aappear sa sinong kausap niya online. Yun ang script niya ngayon,”dagdag pa ng opisyal.

Samantala ay dinala sa Camp Bagong Diwa ang mga indibiduwal na inaresto para sa kaukulang imbestigasyon.



Tags: Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG)

You May Also Like