Iniatas ng Supreme Court (SC) sa National Bureau of Investigation (NBI) na imbestigahan ang isang social media page na nag-aalok ng serbisyo para sa pagpapa-walang bisa ng kasal.
Sa pamamagitan ng Office of the Court Administrator (OCAD),hiniling ng SC sa NBI na alamin kung sino ang nasa likod ng nabanggit na scheme.
“We request your agency to immediately investigate this matter and help unmask those behind this despiteful scheme so that they can be appropriately dealt with and, if so warranted, prosecuted. This we ask to prevent the proliferation of this kind of unlawful activity,” base sa ipinadalang liham ng SC kay NBI Director Medardo De Lemos na may petsang Oktubre 4 at may lagda ni Court Administrator Raul Villanueva.
Sa ilalim ng Presidential Decree 828, ang OCAD ay may mandato na assistehan ang SC sa supevision ng lahat ng korte sa bansa, gayundin sa may 2,000 judges at mahigit sa 20,000 court personnel.
Sinabi ng SC na ang annulment ay isang ligal na prosesong nagdedeklarang walang-bisa ang isang kasal.
Sa kaso ng annulment ,isinasagawa ang pagdinig kasama na ang presentasyon ng testigo at dokumento.
May partisipasyon dito ang Office of the Solicitor General dahil kumakatawan ito sa interes ng estado na proteksiyunan ang kasal.
Naalarma umano ang OCAD dahil nakasaad sa advertisement na hindi na umano kailangan na magpakita sa korte sa isasagawang hearings kaya maging
ang Overseas Filipino Workers (OFWs) ay maaring maghain ng petisyon na hindi na kailangan pang umuwi sa Pilipinas.
Ginagarantiyahan rin na matatanggap ng nag-petisyon ang dokumento gaya ng “Decree of Declaration of Absolute Nullity,” “Entry of Judgment” at “Marriage Certificate na may Annotation na Null and Void.”
Iginiit ni Villanueva na ang naturang advertisement ay isang panlilinlang at ‘misleading’.
Sinabi ni Villanueva na malinaw ang intensiyon na mambiktima at makapanghingi lang ng pera.
Idinagdag pa ni Villanueva na hindi na sila magugulat kung may iba pa na gumagamit ng ibang platforms at website sa panloloko ng mga litigants.