SC, ibinasura ang petisyong kumuwestiyon sa POGO rules

By: Jaymel Manuel

Pinawalang-saysay ng Supreme Court (SC) ang isang petisyon na kumukwestiyon sa legalidad ng mga rules o panuntunan na inilabas ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na siyang nangangasiwa sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO).

Ayon sa desisyong isinulat ni Associate Justice Jhosep Y. Lopez, ibinasura ng SC en banc ang consolidated petitions para sa prohibition and/or certiorari na inihain ng mga petitioners na sina Jovencio H. Evangelista ; Union for National Development and Good Governance-Philippines Chairperson Miguel Daniel C. Cruz (Cruz) at Anti-Trapo Movement of the Philippines, Inc..


Napag-alaman na kinukwestiyon sa petisyon ang constitutionality ng Rules and Regulations for POGO (RR-POGO) na inaprubahan ng Board of Directors ng PAGCOR, alinsunod sa kapangyarihan nito sa ilalim ng Section 8 ng Presidential Decree No. 1869 upang i-promulgate ang mga rules and regulations na may kaugnayan sa pagpaparehistro ng mga taong nakikibahagi sa pagsusugal.

Binabalangkas ng RR-POGO ang pamamaraan para sa paglilisensya, akreditasyon at pagpaparehistro ng mga offshore gaming operator, offshore gaming agent at iba pang auxiliary service provider.

Iginiit ng petitioners na ang RR-POGO ay unconstitutional dahil ang PAGCOR ay walang awtoridad upang mag-operate at mag-regulate ng online o offshore gaming operations.


Hiniling rin nito na alisin ang RR-POGO dahil sa pagiging labag sa konstitusyon at permanenteng atasan ang PAGCOR na itigil ang pagpapatupad ng mga probisyon nito.

Gayunman, hindi ito pinagbigyan ng Mataas na Hukuman dahil sa pagkabigo umanong obserbahan ang doctrine of hierarchy ng mga hukuman.


Nabigo rin umano itong maabot ang mga requirements para sa judicial review.


Tags: Supreme Court (SC)

You May Also Like

Most Read