Pinangunahan ni Santo Papa Francisco ang pananalangin para sa mga nasawi at sugatang biktima ng pagsabog sa Mindanao State University (MSU), gayundin ang paghihilom at kalakasan para sa mga naulila ng mga nasawi.
Nabatid na kinondena rin ng Santo Papa ang naganap na karahasan sa MSU na isang uri ng terorismo .
Kasabay nito,hinikayat ng dating pangulo ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) ang publiko na manalangin at iwaksi ang poot at paghihiganti, kasunod ng naganap na pagpapasabog sa Mindanao.
Sinabi ni Davao Archbishop Romulo Valles na bilang mga mananampalataya “ay ating hingin sa Panginoon ang katatagan ng pananampalataya sa kabila ng mga kinakaharap na pagsubok.”
“Though our hearts may be filled with anger and thoughts of revenge,that is not the way of those who believe in God. We, as men and women of faith, may feel anger and restlessness, and we may even experience hatred. However, we pray that this will not become the norm, for we are people of faith,” ayon kay Archbishop Valles.
Magugunita na apat katao ang nasawi habang may 50 naman ang sugatan nang pasabugan ang gymnasium sa Mindanao State University sa Marawi kung saan idinaraos ang misa ng mga mag-aaral.
Umaasa din ang arsobispo na mapagtanto ng mga gumawa ng krimen na ang kanilang ginawa ay isang kasamaan.
Una na ring kinondena ng Catholic Bishops Conference of the Philippines ang pagpapasabog na itinaon sa mahalagang pagdiriwang ng mga Katoliko para sa pagsisimula ng panahon ng adbiyento.
Ang Marawi, ang tanging Islamic city sa bansa, ay binubuo ng higit sa isang milyong populasyon na pinananahanan ng mayorya ng mga Muslim kung saan tatlong porsiyento ang mga Katoliko.














