Santo Papa, dumanas ng panibagong acute respiratory failure

By: Carl Angelo

Muli umanong dumanas ng dalawang panibagong acute respiratory failure si Pope Francis nitong Lunes, na nangailangan ng dalawang hiwalay na bronchoscopies.

Ayon sa Vatican, ang panibagong breathing attacks ay dulot nang pagkaipon ng endobronchial mucus sa kanyang baga at bronchospasm.

“Today, the Holy Father experienced two episodes of acute respiratory failure, caused by a significant accumulation of endobronchial mucus and consequent bronchospasm,” pahayag pa ng Vatican, sa ika-18 araw na pananatili ng Santo Papa sa pagamutan.


Bunsod naman umano ng dalawang episodes ng acute respiratory failure, isinailalim ang Santo Papa sa dalawang magkahiwalay na bronchoscopies.

Tiniyak naman ng Vatican na patuloy pa ring alerto, focused at cooperative si Pope Francis, habang ipinagpatuloy pa rin nito ang paggamit ng oxygen mask.

Dagdag pa nito, nananatiling ‘reserved’ ang prognosis ng Santo Papa, na indikasyon na hindi pa matiyak ng mga doktor ang kalalabasan ng kanyang kondisyon.

Matatandaang Pebrero 14 nang isugod sa Gemelli hospital ang Santo Papa dahil sa bronchitis, ngunit malaunan ay nauwi ito sa pneumonia sa magkabilang baga.


Noong Linggo ng gabi, una nang sinabi ng Vatican na stable ang kondisyon ng Santo Papa at hindi na nangangailangan pa ng non-invasive mechanical ventilation.

Samantala, nagpaabot pa ang Santo Papa ng pasasalamat sa lahat ng taong sumusuporta at nananalangin para sa kanyang agarang paggaling.

Tags: Pope Francis

You May Also Like

Most Read