NAGKASUNDO ang Philippine Marine Corps (PMC) at United States Marine Corps (USMC) na isulong ang “Integrated readiness plan” ng dalawang pamosong pwersa militar.
Ito’y matapos mag-usap sina Philippine Marine Corps Commandant MGen. Charlton Sean Gaerlan at United States Marine Corps Commandant General David Berger USMC, nang bumisita ang huli sa Marine Barracks Rudiardo Brown, Fort Bonifacio, Taguig, Metro Manila.
Nakapaloob sa inilalatag na Integrated Readiness Plan ang regular na pagsasagawa ng mga pagsasanay militar, pagpapalakas ng mutual defense systems, paglalatag ng marine security, at pagtatatag ng “rapid mobility” at interoperability sa kapuluan.
Plano ng USMC at PMC na magtatag ng isang framework para maihanay ang kani-kanilang mga aktibidad sa isa’t- isa.
Sa pagpupulong ay sinigurado na ni Gen. Berger ang commitment ng Estados Unidos sa pagpapatag ng samahan ng dalawang bansa, at pagpapanatili ng kapayapaan at estabilidad sa rehiyon habang nalilinang ang inter-operability ng dalawang puwersa para sa mas mabilis na pagresponde sa anumang krisis. (VICTOR BALDEMOR)