HINDI pa rin lusot sa kaso ang mga personalidad na kasama sa umano’y inilabas na talaan ng National Intelligence Coordinating Agency (NICA) kaugnay ng malawakang agri-smuggling sa bansa, kahit na nagpalit ng liderato sa Bureau of Custom (BoC).
Sinasabing hindi pa ganap na isinantabi ng pamunuan ng BOC ang rekomendasyong pagsasampa ng mga karampatang asunto ng Senado laban sa mga taong nasasangkot sa talamak na agri-smuggling, base na rin sa sinasabing listahan na inilabas umano ng NICA.
Ayon sa bagong pamunuan ng Aduana, kailangan na maging tuloy-tuloy ang pangangalap ng mga ebidensyang higit na kailangan para tumindig ang kaso sa husgado.
Bukod sa mga pangalan ng mga negosyante, bahagi rin ng sinasabing talaan ang malalaking personalidad ng pamahalaan, kabilang ang mga opisyales ng Department of Agriculture at BOC.
Magugunitang inihayag ni BOC acting Commissioner Yogi Ruiz sa Senate Blue Ribbon Committee: “I’ve already directed our Customs Intelligence and Investigation Service to review the investigations that we have against them. If there’s a need and the evidence is strong enough, we will file cases against them,”
Paniwala ni Ruiz, masasayang lang ang isasampang asunto sa Department of Justice (DOJ) kung mababasura lang sa bandang huli dahil kapos ang mga ebidensya at testimonya ng mga saksi.
Aniya, higit na kailangan ngayon ang patunay na seryoso ang gobyerno sa kampanya kontra korapsyon, bagay na maipapamalas lang kung tuluyang mapapakulong ang mga kakasuhan sa husgado.
Bagamat isinama sa naturang listahan ang ilang opisyal ng BOC, una nang itinanggi ni dating Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga paratang, kasabay ng giit na pinagbabatayan ng kanilang kawanihan ang inilalabas na importation permits ng kagawaran ng agrikultura.
Ilang taga-suporta naman ni Guerrero ang nagsasabing gawa-gawa lamang ng mga smugglers at ng mga tinatamaan ng seryosong kampanya ng BOC laban sa smuggling syndicate ang mga akusasyon laban sa dating commissioner upang siraan ito. (VICTOR BALDEMOR)