DEAD-ON- ARRIVAL sa pagamutan ang isang kasapi ng Sangguniang Bayan at isa pang kasama nito matapos maaksidente ang sinasakyan nilang kotse sa karatig-bayan na Cabatuan nitong Linggo.
Kinilala ang mga nasawi na sina San Mateo, Isabela Sangguniang Bayan member Michael Angelo Ramones at si Mario Acupan, na kasapi naman ng barangay peacekeeping action team, habang nakaligtas naman ang isa pang kasamahan na si Sonny Baysa, isang barangay captain.
Lumitaw sa pagsisiyasat na binabagtas nina Ramones ang kahabaan ng national road sakop ng Barangay Saranay sakay ng kanilang kotse patungong Poblacion ng Cabatuan, subalit pagsapit sa isang matalim na kurbada ay nawalan umano ng control sa kanilang sinakyan sina Ramones at sumalpok sa concrete perimeter fence ang kotse .
Nagawa pang maisugod sa ospital ng mga rumesponde ang mga sakay ng kotse pero kapwa idineklarang patay na nang idating sina Ramones at Acupan, base sa kanilang attending physician.
Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente.














