Lumagda ng kasunduan ang mga lokal na pamahalaan ng San Juan City at Ilocos Norte para sa kanilang Producers 2 Consumers (P2C) Program upang makapaghatid ng mas mura at mas sariwang pagkain sa rasonableng presyo para sa mga San Juaneños.
Mismong sina San Juan City Mayor Francis Zamora at Ilocos Norte Gov. Matthew Marcos Manotoc ang lumagda sa naturang memorandum of agreement (MOA) na ginanap dakong alas-11:00 ng umaga nitong Martes sa Atrium ng San Juan City Hall.
Nabatid na ang P2C Program ay isang livelihood program ng local government ng Ilocos Norte na ang layunin ay suportahan ang mga accredited MSME (micro, small and medium enterprises) entrepreneurs at mga magsasaka sa lalawigan upang mabigyan sila ng pagkakataon na maipagbili ang kanilang mga produkto sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
“We thank the Province of Ilocos Norte for choosing San Juan City to be its partner in the P2C Program. With inflation being felt all over the country, the affordable and fresh produce offered by this program is a big help to our constituents here in the city,” ayon naman kay Zamora.
Sa ilalim ng kasunduan, ang mga fresh produce ng mga magsasaka sa Ilocos Norte ay direktang ihahatid sa San Juan City Hall, ng dalawang beses sa loob ng isang buwan, nang hindi na dadaan pa sa mga middle man.
Ang San Juan naman ang magbibigay ng venue kung saan maaaaring ipagbili ang mga naturang fresh produce upang matulungan naman ang mga residente na makabili ng mas mura at sariwang pagkain.
“We have seen the success of Kadiwa ng Pasko and Kadiwa on Wheels, so we want to replicate that through the P2C Program and give our constituents more opportunities to buy basic commodities at more affordable prices than their SRP in groceries,” ani Zamora. (Baby Cuevas)














