Arestado sa mga ahente ng National Bureau of Investigation-Organized and Transnational Crime Division (NBI-OTCD) ang sampung indibiduwal na sangkot sa pagnanakaw ng mga buhay na manok sa isang kumpanya, sa isang entrapment operation kamakailan sa Sta. Maria, Bulacan.
Napag-alaman sa NBI na nag-ugat ang operasyon matapos magreklamo ang Foster Foods,Inc.(FFI),i sang korporasyon na sangkot sa poultry production sa iba’tbang panig ng Luzon.
Kabilang sa mga naaresto,sina Rodel Gasca at Ronald Gumban, driver at helper ng FFI, gayundin sina Roniel Victor Venturina,Lance Tyron Venturina,John Aldrin Dave Venturina,Nelson GadianJr.at Macpee Jesus Valino,pawang nakasakay sa Toyota Innova at sa truck na may dalang buhay na manok na nagtangka pang tumakas pero naaresto rin sa ‘hot pursuit operation’.
Nasakote rin sina Ronaldo Venturina at Joselito Venturina, Sr.,driver at helper ng truck na may dalang buhay na manok na kinuha sa truck ng FFI at Mark Edward Venturina de Guzman, driver naman ng sasakyang ginagamit ng sindikato.
Humingi ng tulong ang FFI sa NBI-OTCD para maimbestigahan at makasuhan ang sindikatong sangkot sa pagnanakaw ng kanilang mga poultry products na buhay na manok.
Inililipat ng mga sangkot na driver at helper ang ikinakabit na Global Positioning System (GPS ) ng FFI sa sasakyan ng sindikato na tatakbo sa standard na ruta papunta sa FFI Plant sa Pulilan, Bulacan.
Ang truck naman ng FFI ay pupunta sa isang property na nasa New Bypass Road sa Sta. Maria, Bulacan kung saan doon nagaganap ang bayaran sa mga manok na ibinebenta ng P40. hanggang P50. ang isa.
Noong Pebrero 28, ikinasa ng NBI-OTCD ang entrapment operation na nagresulta sa pagkaka -aresto sa mga suspek.
Sinampahan ng kasong Qualified theft ang mga suspek sa Sta. Maria Bulacan Prosecutors Office.














