SAMPU na ang inulat na nasawi habang may apat ang sugatan bunsod ng nararanasang epekto ng Low Pressure Area sa bahagi ng Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Mimaropa, Northern Mindanao, Davao at BARMM.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction Management Council umakyat na sa halos 300,000 indibidwal ang naapektuhan ng mga ulan at bahang dulot ng Low Pressure Area ngayong Enero.
Ayon NDRRMC, apektado ng masamang panahon ang nasa 69,308 na pamilya o 291,826 na indibidwal mula Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Mimaropa, Northern Mindanao, Davao at BARMM.
Habang nasa 784 na pamilya o 3,224 katao ang kinailangang ilikas bunsod ng mga pagbaha dala ng sunod sunod na pag ulan.
Kasabay nito, nilinaw ng NDRRMC na sampu ang naitalang nasawi at hindi labing-isa gaya ng unang naisulat at karamihang sanhi ng kanilang kamatayan ay pagkalunod..
Anila, inalis sa tala ang isang casualty mula Capiz dahil noong December 22 pa ito nasawi dahil sa localized thunderstorms.
Samantala nanatiling 52 ang bilang nang namatay bunsod naman ng shear line nitong nagdaang kapaskuhan habang may 18 pa ang inulat na nawawala at 18 injured. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














