SAMAR NAMAN, NIYANIG NG MAGNITUDE 5.6 TREMOR; SIYAM NA, PATAY SA 6.8 EARTHQUAKE SA DAVAO OCCIDENTAL

By: Victor Baldemor Ruiz

MATAPOS yanigin ng magnitude 6.8 tremors ang Southern Mindanao na kumitil ng siyam na katao, isang magnitude 5.6 tremors naman ang tumama kahapon sa lalawigan ng Samar, ayon sa ulat ng NationalDisastr Risk Reduction Management Council at ng kanilang operating ang Office of Civil Defense.

Sa inilabas nilang report, bandang alas- 12:57 kahapon ay naitala ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang paggalaw ng lupa.


Sinasabing ‘tectonic’ ang origin nito at natukoy ang epicenter ng lindol na nasa 16 kilometro ng Timog Silangan ng bayan ng Calbiga na nasa lalim na 77 kilometro, ayon sa initial advisory ng Phivolcs.

Sinasabing naramdaman ang Intensity 4 sa Palo, Leyte province, habang nasa Instrumental Intensity 5 naman ang naitala sa Catbalogan City sa Samar.

Inaasahang makararanas pa ng mga aftershocks bunsod ng nasabing pagyanig.


Samantala, umakyat na sa siyam ang nasawi kasunod ng magnitude 6.8 deadly temblor na tumama sa southern Mindanao matapos na mahukay ang bangkay ng pitong-taong gulang na bata at ng kanyang ina sa Glan, Sarangani, habang isa pa ang nasawi nang mabagsakan ng steel structure sa nasabi ring bayan.

Sa General Santos City, isang babae ang namatay nang madaganan ng mga nagbagsakang debris mula sa isang mall, habang nadaganan din ang mag-asawa ng isang bumagsak na concrete wall. Nagulungan naman ng malaking bato ang isang matandang lalaki sa Davao Occidental province.


Nilinaw ni Office of Civil Defense (OCD) Deputy Spokesperson Mark Timbal na patuloy ang kanilang validation sa mga nasawi.

Bukod dito, umabot na rin sa 15 ang naitalang sugatan habang wala nang nawawala sa lindol.


Batay sa datos ng OCD, pumalo na sa 2,489 pamilya o 12,800 indibidwal ang naapektuhan ng pagyanig, kung saan patuloy ang pagbibigay ng ayuda sa mga ito ng OCD at ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Nasa 826 na mga bahay na rin ang nasira sa Davao Occidental, Davao Oriental, South Cotabato at Sarangani, habang 118 na imprastraktura ang napinsala at 60 na kalsada.

Bagama’t nananatili sa blue alert status ang OCD, sinabi ni Timbal na unti-unti nang bumabalik sa normal ang sitwasyon sa mga probinsya na naapektuhang ng lindol.



Kasabay nito, patuloy ang paalala ni Timbal sa ating mga kababayan na makilahok at seryosohin ang mga isinasagawang earthquake drill ng pamahalaan dahil malaki ang maitutulong nito upang maging handa, alerto at mailigtas ang sarili sa mga ganitong sitwasyon.

Tags: Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs)

You May Also Like

Most Read