Masayang ibinalita ni Marilao, Bulacan Mayor Atty. Jemina Sy ang pagdating ng kanyang unang sweldo na naka-cheke.
Kaya siya masaya ay dahil sa kanyang pagpapasya na ibigay ang kanyang unang sweldo sa mga senior citizens ng munisipalidad na kanyang nasasakupan.
Mula sa kabuuang P105,000 ay ibibigay sa senior citizens ang P100,000 para walang butal at ang matitirang P5,000 ay sa iba namang sektor ibibigay.
Inianunsiyo din kasi ni Mayor Jem Sy ang plano na ibigay naman din ang kanyang mga susunod na sahod sa iba’t-ibang sektor para marami at iba-iba ang makinabang.
Aniya pa, pareho sila ni Loma de Gato Barangay Chairperson Aya Saycon na nagpasya ding ibigay ang kanyang sweldo sa napiling sektor, ang mga alagang iskolar ng kanyang barangay.
Kaugnay niyan ay nakalinya na din daw sa mga pagbibigyan ni Mayor Sy ng sahod ang mga estudyante ng Marilao.
Siyempre pa, ang paghahati-hatiang sahod ni Mayor Sy ay dagdag lamang sa mga nakalaang regular na benepisyo para sa mga senior citizens, estudyante at iba pang sektor na kalaunan ay mapipili ng alkalde na mabigyan mula sa kanyang buwanang sahod sa munisipyo.
Ang ganitong kabutihang-loob ng alkalde ay hindi na bago o nakakagulat.
Bago kasi siya maging alkalde, si Mayor Sy ay kilala na sa kanyang bayan bilang isang pilantropo.
Marami na siyang natulungan nang walang nakatutok na camera at ito ang isa sa mga dahilan kung bakit siya inihalal ng kanyang mga kababayan.
Nakita nila sa kanya ang sinseridad sa pagtulong at ito ay ginagawa niya nuon pa mang mga panahon na siya ay wala pa sa pulitika o wala pang planong pumalaot sa pulitika.
Bukod diyan, maraming taon din siyang naglingkod sa Bureau of Customs at doon, sa kabila ng paghawak ng iba’t-ibang dibisyon ay hindi ito nasangkot kailanman sa anumang anomalya o iregularidad.
Lumabas siya sa Customs bureau nang buo ang prinsipyo at integridad, mga katangian na bitbit niya ngayon bilang alkalde ng Marilao. Masuwerte ang mga taga-Marilao sa pagkakaroon ng isang lider na kagaya ni Mayor Jem Sy.
***
Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon.














