SINISIKAP ngayon ng militar at mga local leaders na maagapan ang tensiyon sa dalawang lider ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) nang hindi na kumalat pa ang pagdanak ng dugo matapos na mamagitan ang kasundaluhan, pulisya MILF-AHJAG kasunod ng armadong sagupaan na ikinamatay ng 11 katao habang may lima na naitalang sugatan.
Sa inisyal na ulat na ibinahagi ng Philippine Army 6th Infantry Division, naganap ang engkwentro sa pagitan ng 105th Base Command MILF, BIAF na pinamumunuan ni Engineer Alonto Sultan laban sa pinagsanib na pwersa ng 128th Base Command at 129 Base Command, MILF, BIAF na nasa pamumuno ni Ikot Akmad, dakong 1:30 kamakalawa ng hapon sa bisinidad ng Sitio BPI, Brgy Kilangan, Pagalungan, Maguindanao del Sur.
Dalawa ang inulat na namatay sa panig ng 129 Base Command at 128 Base Command na pinamumunuan ni Ikot Akmad, habang sa hanay ng 105th Base Command sa ilalim ng pamumuno ni Engr. Alonto Sultan ay siyam ang sinasabing nasawi habang may lima ang sugatan na pawang hindi muna kinilala.
Nabatid na sa tindi ng sagupaan ay napilitang lumikas ang mahigit sa 30 pamilya sa pangambang maipit sa bakbakan sa pagitan ng dalawang Bangsamoro Islamic Freedom Fighter warring group.
Humupa ang tensiyon matapos ang pagsisikap ng kasundaluhan, pulisya at iba pang security forces kasama ang Government of the Philippines-Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (GPH-CCCH) upang magbigay ng seguridad sa komunidad.
Matapos na pansamantalang maawat ang naglalabang grupo ay sinulatan ng 602nd Infantry Brigade na nasa ilalim ng Army 6th Infantry Division GPH-CCCH para idulog ang umano’y paglabag sa peace process ng mga kasapi ng 128 Base Command,129 Base Command at 105 Base Command.
Kasunod nito ang pakikipagdayalogo nina Lt. Col Rowel E Gavilanes (GSC) PA, Commanding Officer ng 90th Infantry Battalion at Lt Col Rowel C Caacbay PA, ang Battalion Executive Officer, 90IB sa mga kasapi ng MILF-AHJAG sa pamumuno ni Nor Ali, Secretary ni Anwar Alamada, Chairman, MILF-AHJAG at tinalakay ang insidente para mamagitan ang MILF-AHJAG nang maiwasan na ang na gantihan at mapag-usapan ang ugat ng hidwaan.
Ayon kay Lt. Col. Rowel Gavilanes, pinuno ng 90IB, nagpakalat ang kasundaluhan ng mga tropa upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan sa lugar.
Sa naturang engkwentro, 14 ang naiulat na nasawi at lima naman ang sugatan.
Nakumpiska naman ng militar ang ilang matataas na uri ng armas sa inilatag na security measures, kabilang ang apat na M16 rifles, isang M14 rifle, isang Caliber .45 pistol, mga magasin at iba’t- ibang uri ng bala. Agad na isinailalim ang mga nasabing armas sa pagsisiyasat sa himpilan ng 90IB.
Iniulat na ang engkwentro ay nag-ugat sa awayan sa lupa, isang isyung una nang pinag-aayos ng militar at mga ahensya ng pamahalaan.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pakikipag-dayalogo ni Lt. Col. Gavilanes sa mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front – Ad Hoc Joint Action Group (MILF-AHJAG) para mapigilan at di na maulit pa ang nasabing insidente.
Ayon kay Major General Antonio G. Nafarrete, Commander ng 6th Infantry (Kampilan) Division at Joint Task Force Central, naghain ng sulat reklamo ang AFP sa pamunuan ng GPH-CCCH hinggil sa mga paglabag sa usapang pangkapayaan ng 105th, 128th at 129th MILF Base Command. Aniya, hindi mangingiming gumamit ng pwersa ang militar kung patuloy ang mga ganitong labanan, lalong- lalo na kung naaapektuhan ang mga inosenteng sibilyan.
Dagdag pa ng 6ID/JTFC Commander, napapanahon na para maituloy ang last phase ng decommissioning process ng Bangsamoro Islamic Armed Forces (BIAF) upang matugunan ang problema sa pag-aaway ng kapwa BIAF dahil sa rido.
“Sa mga nakaraang buwan, lagi na lang ganito ang nangyayari. Wala naman tayong naitalang sagupaan sa pagitan ng pwersa ng MILF at ibang mga Armed Lawless Groups. Sa ngayon ay meron ding programa ang Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation and Unity (OPAPRU) na naglalayong malikum ang loose firearms kasama na ang Private Armed Groups. Ito ay ang SALW Program (Small Arms and Light Weapons) na ating ginagawa at sinusuportahan kasama ang mga LGUs. Ako’y nanawagan sa hanay ng MILF na ituloy na ang decommissioning process. Ang inyong AFP at PNP ay sinisigurado ang seguridad ng mga BIAF sa komunidad.”, dagdag na pahayag ng Division Commander.