BUMUO ang mga ahensiya ng gobyerno ng isang Joint Administrative Order (JAO) na nagkakaloob ng isang “safe harbor” para mapanagot ang mga online platforms sa mga paglabag na gagawin ng kanilang “online merchants” kasunod ng paghihigpit sa pagbabantay ng gobyerno sa umuusbong na e-commerce transactions sa bansa.
Nilagdaan ang JAO 2022-01 nitong Marso 15 ng Department of Trade and Industry (DTI), Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), Department of Environment and Natural Resources (DENR), Intellectual Property of the Philippines (IPOPHL) at National Privacy Commission (NPC).
Ipinaliwanag ni Atty. Melquiades Marcus N. Valdez II, DTI director for consumer policy and advocacy bureau, na sa kabila na pinagsama-sama na ang lahat ng umiiral na kasalukuyang rules at guidelines sa online business, idinagdag ang “safe harbor”, isang bagong probisyon sa ilalim ng Section 13 ng JAO sa “Liability of e-commerce platforms and e-market places”.
Sa ilalim ng Section 13.2 ng JAO kung nagkaroon ng paglabag sa isang batas o regulasyon sa pamamagitan ng isang online post ng isang online seller o merchant, e-retailer, e-commerce platform, e-marketplace at iba pa ,ang concerned authorized agency ay magi-isyu ng notice na nagaatas sa violator sa loob ng tatlong araw na alisin ang post .
Nabatid na kung hindi aalisin ang post, ito ay magiging daan para mas bumigat ang isasampang kaso laban sa online merchant. (Car Angelo)