KUSANG sumuko sa Philippine National Police – Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) ang pitong pulis na inakusahan ng pagpatay sa dalawang pinaghihinalaang rebelde.
“Ang boluntaryong pagsuko ng pitong akusadong pulis sa PNP-IMEG ay patunay lamang ng kanilang buong tiwala sa aming hanay. Dahil dito ay patuloy naming pag ibayuhin ang pagpapatupad ng batas ng walang kinikilingan o pinapanigan,” ayon kay ni PNP-IMEG Director PBGen. Warren de Leon.
Wanted sa kasong pagpatay ang mga sumuko na kinilalang sina S/Sgt. Quill Bay-an, Chief Master Sergeants Joseph Chumawar Jr., at Israel Lucob, Captains Justin Anogue, Guilbert Asuncion at Orlando Rosales Jr., at Master Sgt. Dante Baloran. Pawang kasapi ng Rapid Deployment Battalion ng PNP Special Action Force ang pito.
Ayon kay BGeneral De Leon, pawang may standing arrest warrant ang pito dahil sa two counts ng murder na inisyu ng korte kaugnay sa pagkamatay ng dalawa umanong rebeldeng komunista sa engkwentro na naganap sa Sitio Lagyo, Barangay Puray, Rodriguez, Rizal noong pang 2010.
Kasalukuyang nasa PNP-IMEG custodial facility sa Kampo Crame ang mga sumuko na i turn-over sa kanilang court of origin para sa return of warrant at proper disposition ng korte.