Umaabot sa 514 na pasaway na mga motorista ang natikitan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) nitong Lunes dahil sa ilegal na paggamit ng EDSA Bus Lane.
Ito, ayon sa MMDA, ay sa unang araw pa lamang ng implementasyon nila ng MMDA Regulation No. 23-002 o ang pagpapairal ng mas mataas na multa at parusa para sa paglabag sa exclusive city bus lane/EDSA Carousel Lane regulation.
Kaugnay nito, nagpaalala namang muli ang MMDA sa mga motorista na huwag nilang balewalain ang panuntunan sa EDSA Bus Lane dahil tuloy-tuloy anila ang pagpapatupad ng mas mataas na multa para sa hindi awtorisadong pagdaan dito.
Nabatid na alinsunod sa bagong patakaran, ang mga motoristang lalabag sa regulasyon ay papatawan ng multang P5,000 para sa unang paglabag.
Nasa P10,000 multa, isang buwang suspensyon ng driver’s license, at kinakailangang sumailalim sa road safety seminar naman ang ipapataw para sa ikalawang paglabag.
Ang ikatlong paglabag naman ay may katumbas na P20,000 multa at isang taong suspensyon ng driver’s license habang P30,000 multa naman at rekomendasyon sa Land Transportation Office (LTO) na bawian na ng driver’s license ang ipapataw na parusa para sa ikaapat na paglabag o habitual violator.
Paalala pa ng MMDA, “Tandaan: bawal dumaan ang mga hindi awtorisadong sasakyan sa EDSA Bus Carousel Lane, na nakalaan lamang sa mga pampublikong bus, emergency vehicles katulad ng ambulansya, fire trucks, at iba pang marked vehicles ng pamahalaan na tumutugon sa mga emergency.”
Dagdag pa nito, “Ang pagpapatupad nito ay para sa kaligtasan ng mga motorista at para hindi maantala ang byahe ng pampasaherong buses na dumadaan sa exclusive lane.”