POSITIBO ang pamunuan ng National Irrigation Administration (NIA) na bunsod ng kanilang sistemang contract farming ay posible na silang makapagbenta ng bigas sa halagang P29 pesos sa mga KADIWA store.
Naniniwala umano si NIA Administrator Eduardo Guillen na kakayanin na ng pamahalaan na makapagbenta ng murang bigas pagsapit ng Hulyo o Agosto ng taong ito.
Ayon kay Administrator Guillen, itinatayang nasa P29 kada kilo ang ibebenta nilang bigas sa mga Kadiwa store bunsod ng inaasahang malaking ani sa mga darating na buwan .
Sa pagtataya ng kawanihan, posibleng nasa P100 milyong kilo ng bigas na ang mapo-produce pagsapit ng Agosto.
Sinasabing naging posible ito bunsod ng kanilang proyekto na mapataas ang produksyon ng bigas sa ilalim ng contract farming, na layong makamit ang rice sufficiency at security sa bansa.
Napag-alaman na sa pamamagitan ng contract farming program, binibigyan ng kinakailangang agricultural inputs at kapital ang mga magsasaka para mapalakas ang productivity at competitiveness.
Bukod pa ito sa paglinang ng irrigation system sa mga malawak na irrigatable farmland
Ang nasabing pagtataya ng NIA ay suportado ng Department of Agriculture na nagsabing posibleng magkaroon ng supply ng murang bigas sa Hulyo.














