NILINAW ni Philippine National Police Chief Gen. Benjamin Acorda, Jr., na hindi maituturing na loyalty check ang ginawang pagbisita ng kanilang commander-in-chief sa PNP National headquarters kahapon.
Ayon kay General Acorda, bumisita lamang si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., para pangunahan ang kanilang regular command conference.
Wala rin umanong dahilan para magsagawa ng loyalty check sa hanay ng kapulisan dahil nananatili itong isang professional organization na tapat sa kanilang sinumpaang tungkulin.
Kaugnay nito, ikinagalak naman ng PNP commander- in-chief ang iba’t- ibang accomplishments ng kapulisan.
Napuna ng Pangulo ang mga kinakailangang adjustment sa Pambansang Pulisya, partikular sa pagpapalakas ng kanilang cyber capability at pagkakaroon ng sapat na communication equipment.
Sa datos ng PNP, malayo pa sa kalahati ang nakuhang communication equipment requirement ng kapulisan, kung saan mayroon pa lamang na 32.05% fill- up para sa digital radio, habang nasa 33.98% pa lamang sila para sa tactical radio at 2.48% para sa satellite phones na magagamit sa lugar na walang established communication network, lalo na sa panahon ng kalamidad.
Ayon kay Acorda, hindi nakaligtas sa Pangulo na mapansin ang mga kagamitan ng PNP na masyadong mababang uri, partikular ang mga kagamitang pang-komunikasyon.
Napag-alaman na hanggang nitong Pebrero ay hindi pa nangangalahati ang PNP sa mga kailangang kagamitan sa komunikasyon at hindi pa kumpleto ang pagbili sa 18 units ng repeaters, satellite phones at iba pa sa ilalim ng PNP Capability Enhancement Program.
Iniutos din ng pangulo sa PNP na pag-aralan ang paggamit ng iba pang communication equipment na angkop sa lokal na sitwasyon at ginagamit ng police forces sa ibang bansa, na maaaring i-adopt ng Pilipinas.
Samantala, pinatutukan din sa PNP ang pagpapalakas ng kanilang kampanya kontra cybercrime.
Sinabi pa ng heneral na malaking hamon ang pagbabantay sa mga krimen sa cyberspace o sa internet kaya kinakailangan nilang palakasin ang cyber capability at sabayan ng mga makabagong communication equipment.
Kabilang sa direktiba ni PBBM sa PNP na palakasin ang kampanya laban sa cybercrimes, sa gitna na rin ito ng magkakasunod na cyber attacks at sunod-sunod na email bomb threats sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ayon sa datos ng PNP, lumobo din ang kaso ng cybercrime sa bansa na umabot sa 21,300 noong nakalipas na taon kumpara sa 13,890 na naitala noong 2022.#














