Sa 91M botante, nasa 11.6 milyong seniors citizens ang boboto sa BSKE 2023

By: Victor Baldemor Ruiz

Sa sinasabing mahigit 90 milyon na botante para sa gaganapin ngayong Barangay at Sangguniang Kabataan Election ay itinatayang nasa 11.6 milyong senior citizens ang inaasahang dadagsa rin sa mga voting precincts sa buong bansa para makiisa sa gaganaping eleksyon.

Ayon kay Atty. Franklin Quijano, chairman ng National Commission for Senior Citizens, masasabing malaking bilang mula sa hanay ng mga seniors ang makikiisa sa idaraos na BSKE 2023.

Kaugnay nito ay nagpapasalamat din si Quijano dahil tinupad ng Commission on Elections (Comelec) ang pangako nito na maglaan ng special polling precincts para sa mga senior citizens para sa mas magaan o maginhawa nilang pagboto at ang pagbibigay-daan sa kanilang mas maagang oras ng pagboto.


Umaasa rin si Quijano na patuloy na tutugunan ng Comelec ang iba pa nilang mga hiling tulad ng electronic voting upang ‘yung mga nakatatanda na hindi na makalakad patungong polling precincts o nasa malayong lugar ay makaboto pa rin.

Nabatid na nasa 91,094,822 botante ang inaasahan ngayong araw para bumoto sa 672,016 puwesto na pinaglalabanan para sa susunod na mga bagong barangay officials.


Ayon sa inilabas ng Election Records and Statistics Department ng Comelec na inihanda ni Director Celia Romero, sa nabanggit na bilang ay 67,839,861 ang botante sa Barangay at 23,254,961 ang botante sa SK.

Napag–alaman na ang halalan ay magaganap sa 42,001 Barangay sa 149 siyudad at 1,485 munisipalidad.


Nabatid na nanawagan din ang National Commission of Senior Citizens sa hanay ng mga seniors na lumabas at bumoto bukas.

Tulad ng mga kabataan, malaki rin umano ang papel ng mga senior citizen sa halalan dahil base sa datos ng Comelec. May kabuuang 11.6 million na mga senior citizens ang inaasahang boboto bukas.

Tags: Commission on Elections (Comelec)

You May Also Like

Most Read