Si Ruffa Mae Quinto (naka-pink na damit) pagdating sa bansa nitong Miyerkules.

RUFFA MAE, DUMATING NA SA BANSA, AGAD SUMUKO SA NBI

By: Baby Cuevas

Kusang-loob na sumuko sa National Bureau of Investigation (NBI) ang aktres at komedyante na si Rufa Mae Quinto nitong Miyerkules, kaugnay ng kinahaharap niyang kaso kung saan isang warrant of arrest ang inilabas sa kanya ng isang korte sa Pasay City.

Napag-alamang nakipag-ugnayan ang abogado ni Quinto sa NBI matapos nitong bumalik sa bansa kasama ang kanyang pamilya mula sa San Francisco, California, USA, dakong alas-5 ng madaling araw.


Matatandaan na ang kaso ng aktres ay may kinalaman sa isyu sa Dermacare, na sangkot din sa pag-aresto sa actress-entrepreneur na si Neri Naig.

Napag-alaman sa abogado ni Quinto na si Mary Louise Reyes na kinasuhan ang kanyang kliyente ng 14 counts ng paglabag sa Section 8 ng Securities Regulation Code, kung saan nakasaad na ang securities gaya ng shares at mga investment ay hindi maaaring ibenta sa Pilipinas nang walang registration statement na isinumite at inaprubahan ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Tiniyak ni Reyes na haharapin ni Quinto ang kaso at nakatakda umano itong maglagak ng piyansa sa Pasay City Regional Trial Court.


“She will face those charges… mag-voluntary surrender siya and magpo-post po kami ng bail for that. She’s worried kasi hindi naman totoo ‘yung allegations kasi my client po is just a brand ambassador, a model-endorser,” ani Reyes.

“Ni hindi sa kanya nakapagbayad ng downpayment, tapos ‘yung mga tseke po puro tumalbog. Lahat po ‘yan hawak po namin ‘yung ebidensya, ipe-present namin sa court,” dagdag ni Reyes.


Magugunita na noong Setyembre 2023, naglabas ang SEC ng advisory tungkol sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions, na nagsasabing hindi awtorisado ang kumpanya na humingi ng mga investment dahil hindi sila rehistrado at walang lisensya para magbenta ng securities.

Sa parehong advisory, sinabi ng komisyon na maaaring kasuhan ang mga salesman, broker, dealer, ahente, promoter, influencer at endorser ng Dermacare.


Itinanggi ni Rufa Mae ang mga paratang sa kanya at naniniwala ang aktres na lalabas din ang katotohanan.

Samantala, sinabi naman ni NBI Director Jimmy Santiago na ang turing nila sa aktres ay gaya ng sa iba, sa ilalim ng prinsipyong ‘innocent until proven guilty.’



Tags: Rufa Mae Quinto

You May Also Like