Nagbigay nang update si Rufa Mae Quinto sa estado ng relasyon nilang mag-asawa na si Trevor Magallanes.
Aniya, marami siyang katanungan ngunit hindi na umano siya nagkalakas-loob na usisain pa ang mister. Matatandaang sa kasagsagan ng isyu ng kasong kinaharap ni Rufa Mae at ini-endorsong clinic, gumulantang sa publiko ang post ng kanyang mister sa kanilang relasyon.
Napag-usapan nina Ogie Diaz sa panayam niya kay Rufa Mae ay ang tungkol sa estado ng relasyon niya sa mister.
Ayon kay Rufa Mae, maging siya ay marami pa ring katanungan sa mister kung bakit nito gusto nang makipaghiwalay sa kanya.
“Ewan ko kung ano na talaga. Basta sabi niya ayaw na niya. Kaya nga marami din akong tanong, hindi ko rin alam ang sagot or wala na rin talagang sagot.”
“Hindi ko nga alam kasi hindi na nga rin ako nag-text e kasi baka ma-screenshot uli,” natatawang nasabi ni Rufa Mae.
Matatandaang kalakip ng screenshots ng conversation nilang mag-asawa ang post ng mister na nagsasabing nais na nitong tapusin ang ugnayan nilang mag-aswa.
Nabanggit ni Rufa Mae ang ilang posibleng dahilan bakit biglang ganoon na lamang ang naramdaman ng mister sa kanya.
Isa na rito ang madalas niyang pagpunta ng Pilipinas para sa trabaho na ipinagpapaalam naman niya umano kay Trevor at pinapayagan naman daw siya nito.
Gayunpaman, nilinaw din ni Rufa Mae na kahit ganoon na ang takbo ng kanilang relasyon, malapit pa rin si Trevor sa kanilang anak na si Athena.
“Wala akong pinagsisisihan. We still the best, you know. May mga bagay lang talaga na hindi perfect. Pero masaya ako dahil nand’yan pa naman siya. Mabait siya sa anak namin, mahal na mahal niya.”