By: JANTZEN ALVIN
Isang clerk ng Butuan City Regional Trial Court (RTC) ang tinanggal sa kanyang tungkulin ng Supreme Court (SC) matapos mapatunayan na guilty sa kasong gross misconduct.
Nag-ugat ang kaso laban kay Michael Vincent L. Ozon , Clerk III nh Branch 1, RTC, Butuan City, Agusan del Norte sa liham ng isang Danilo Divinagracia kaugnay ng paghingi diumano ng una ng halagang P25,000 kapalit ng pagpapalabas ng ‘certificate of finality’ para sa isang sertipikasyon ng “declaration of nullity of marriage” .
Sa imbestigasyon ni Executive Judge Augustus L. Calo, napag-alaman na ang litigant ay pumunta sa RTC Branch Clerk of Court nang umiiyak dahil hindi pa lumalabas ang certificate of finality ng kanyang kaso sa kabila na paulit-ulit na pagpunta sa korte at pagbigay kay Ozon ng P500 para mailabas na ang sertipikasyon.
Napag-alaman na nakakuha ng sinumpaang salaysay mula sa dalawang pribadong indibiduwal na ang respondent ay nag-alok ng “facilitation services” sa isang kaso ng declaration of nullity.
Sa halip na maghintay nang matagal na panahon sa processing service ng desisyon ay mailalabas niya umano ito sa loob lamang ng tatlong araw sa pamamagitan ng pagbibigay umano ng P5,000 sa pribadong courier na maghahatid ng desisyon sa Office of the Solicitor General (OSG)..
Napatunayan ng SC na nilabag ni Ozon ang batas at ang kanyang ginawa ay nagkaroon ng danyos sa integridad ng hudikatura.














