Inihayag kahapon ng National Security Council at Armed Forces of the Philippines na ang pinasimulang Balikatan joint military exercises sa pagitan ng Pilipinas at Amerika ay sasalihan ng mahigit 16,000 na sundalo.
Ayon kay Col. Francel Margareth Padilla, “This Balikatan exercise is an annual event aimed at strengthening defense capabilities and alliances. While we remain vigilant in the face of regional challenges, the exercise is not explicitly tied to any particular country’s actions. Its primary objective is to enhance collective security and readiness among participating nations.”
Sadya lamang umano na taon-taon, sa bawat gaganaping joint military exercise ay palaki nang palaki ang bilang ng mga participants at nagkakaroon din ng mga taunang pagbabago kumporme sa mga nakikitang pangangailangan na may kaugnayan sa interoperability ng mga magkakaalyadong bansa.
Sinabi pa ni Padilla na nanatili ang kanilang focus sa pagpapatibay ng kanilang external defense capabilities at pagsusulong ng peace and stability sa Indo-Pacific region.
Una nang sinabi ni Balikatan 2024 Executive Agent Colonel Michael Logico na isasagawa ang military exercises sa pagitan ng Amerika at Pilipinas sa northern Luzon.
Tiniyak din ng NSC official na nakasentro ang Balikatan na magsisimula ngayong Lunes, Abril 22 hanggang sa Mayo 20 sa pagpapalakas ng kapasidad ng bansa sa pagdepensa gayundin ang interoperability at kooperasyon ng puwersa ng Pilipinas at Amerika.
Inaasahan na mahigit 16,000 tropang sundalo ng PH at US ang lalahok sa Balikatan exercise ngayong taon na sasalihan ng Australia at France bukod pa sa 14 na bansang magsisilbing mga foreign observers.














