Sen. Erwin Tulfo (gitna) sa 151st IPU.

RP DELEGATION SA 151st IPU, PINANGUNAHAN NI SEN. ERWIN TULFO; PANANAGUTAN VS. FAKE NEWS, IPINANAWAGAN

By: Jerry S. Tan

Ipinanawagan ni Senador Erwin Tulfo ang pagtatatag ng mga mekanismo ng pananagutan laban sa mga nagpapalaganap ng maling impormasyon upang panatiilihn at palakasin ang demokrasya, sa kanyang pagdalo sa ika-151 na Inter-Parliamentary Union (IPU) Assembly na ginanap sa Geneva, Switzerland.

Bilang pinuno ng delegasyon ng Pilipinas sa kasalukuyang nagaganap na IPU conference, nagbigay si Tulfo ng talumpati kung saan idinetalye niya kung paanong naapektuhan ng fake news ang pananaw ng publiko sa gobyerno at ang estado ng pulitika sa Pilipinas.


“We, in the Philippines, have seen how fake news and malicious online campaigns can erode public trust, distort democratic discourse, and even incite anger and violence. What begins as a false post or manipulated image can spread faster than facts, and the damage, once done, is often irreversible,” ani Tulfo sa pulong ng mga mambabatas mula sa mga bansa ng ASEAN, Korea, Japan, at China noong Oktubre 19.

Bagama’t tinalakay niya ang masasamang epekto ng fake news, binigyang- diin ni Tulfo ang kahalagahan ng paggalang at pangangalaga sa ‘freedom of speech’ sa mga demokratikong bansa.

“Our task, therefore, is not to silence voices, but to safeguard truth; to ensure that the digital public square remains a place for informed dialogue, not deception,” ayon kay Tulfo, isang beteranong mamamahayag na naging mambabatas.

“We must work together as parliamentarians to strengthen legal frameworks that hold accountable those who deliberately spread falsehoods, without endangering legitimate expression,” panawagan pa niya.

Bukod sa mga legal na hakbang sa paglaban sa disinformation at misinformation, nanawagan din si Tulfo ng pag-invest sa media literacy, lalo na sa kabataan, upang mas mahusay na matukoy ng mga mamamayan ang totoo mula sa kasinungalingan.




“Ultimately, the fight against disinformation is not only about defending our leaders; it is about defending democracy itself,” wika niya.

Isa si Tulfo sa mga miyembro ng Senate Committee on Public Information and Mass Media na nagsusulong ng transparency sa gobyerno upang labanan ang paglaganap ng misinformation at disinformation sa Pilipinas.

Noong Hulyo, inihain ni Tulfo ang Senate Bill No. 768, na naglalayong parusahan ang paggawa at pagpapalaganap ng fake news o impormasyong sinadyang ipakita bilang factual content ngunit may layuning linlangin o dayain ang publiko.

Inihain rin niya ang Senate Bill No. 1361, o ang “People’s Freedom of Information Act”, na layuning makatulong sa pagpapalakas ng pananagutan sa gobyerno at paglaban sa fake news sa Pilipinas.

Pinamumunuan ni Tulfo ang delegasyon ng Pilipinas sa paglahok sa IPU Assembly na gaganapin hanggang Oktubre 23.

Ang delegasyon ng Pilipinas ay binubuo nina Senator Raffy Tulfo, Senator Imee Marcos; Representatives Ferdinand Hernandez, Kristine Singson-Meehan, Ma. Georgina De Venecia, Maria Rachel Arenas, Faustino Michael Carlos Dy III, Brian Poe-Llamanzares, Jonathan Clement Abalos II at Florabel Yatco.

Tags: Senador Erwin Tulfo

You May Also Like