RORO, SUMADSAD SA ISLA; 71 SAKAY NA-RESCUE NG PCG

By: Victor Baldemor Ruiz

UMAABOT sa 71 katao ang nailigtas ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard na naka-base sa Northern Samar mula sa sumadsad na roll on/roll off ferry sa isang isla sa Samar.

Ayon sa inisyal na report, sinaklolohan ng PCG ang MV Reina Hossana nang sumadsad ito sa Capul Island matapos tangayin ng malalaking alon bunga ng pagkasira ng makina nito.


Naglalayag ang MV Reina Hosanna ng Marina Ferries papuntang Matnog, Sorsogon mula sa bayan ng Allen, Northern Samar nang magkaroon ito ng engine failure hanggang sa tuluyang mamatay ang makina nito at nagpalutang- lutang na lamang simula Linggo ng gabi.

Sinubukan ng Batangas-headquartered operator ng Marina Ferries na sunduin ng MV Reina Immaculada ang nasirang RORO na MV Reina Hosanna at hatakin papuntang pantalan subali’t nalagot umano ang taling humahatak dito.

“The said incident followed by strong currents caused MV Reina Hosanna to run aground along the shoreline of Barangay 1, Capul, Northern Samar,” ayon sa mga coast guard personnel.


Matapos na makatanggap ng distress call ay agad na nag-dispatch ang Philippine Coast Guard ng kanilang mga tauhan kasama ang ilang local disaster responders kaya’t nasagip ang 71 pasahero.

Hanggang kahapon ay binabantayan ng coast guard ng MV Reina Hosanna, dahil sa 30 “rolling cargoes” o mga sasakyan ang nanatiling nasa loob ng nasabing ferry.


Tags: Philippine Coast Guard

You May Also Like