Pormal nang pinalitan ang pangalan ng Roosevelt Station ng Light Rail Transit Line 1 (LRT-1) at isinunod sa pangalan ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe Jr. (FPJ).
Mismong si Senator Grace Poe naman, na adopted daughter ni FPJ ang nanguna sa ceremonial unveiling ng bagong signage ng istasyon, na isinagawa nitong Linggo.
Sa kanyang mensahe sa aktibidad, binigyang-din ng senadora ang kontribusyon ng mga artistang Pinoy sa bansa.
Pahayag ng senadora, “Ang mga artista sa ating lipunan, ngayon na lang kinikilala ang kontribusyon. Noon ang tingin, artista ka lang. Ngayon meron na tayong train stop. Hindi lang si FPJ ang magiging huli. Malay niyo sa susunod, iba naman sa ating industriya.”
Dagdag pa niya, si FPJ ang naging simbolo ng mga mamamayan, ano man ang trabaho ng mga ito, na araw-araw ay nagsisipag at walang pagod na nagtatrabaho upang mabigyan lamang ng magandang kinabukasan ang kanilang mga anak.
Matatandaang noong Disyembre 2021 ay nilagdaan ni dating Pang. Rodrigo Duterte ang Republic Act 11608, upang palitan ang pangalan ng Roosevelt Avenue at gawin itong Fernando Poe Jr. Avenue.
Ang Roosevelt Avenue, na nasa first legislative district ng Quezon City, ay ang kinaroroonan ng ancestral residence ni FPJ, kung saan niya ginugol ang kanyang kabataan.
Ang LRT-1 ang siyang nag-uugnay sa FPJ Station sa Quezon City hanggang sa Baclaran Station sa Parañaque City.