PATAY ang isang bagitong pulis sa inilunsad na law enforcement operation subalit natangay din nila sa hukay ang dalawang hinihinalang hitman at drug personalities matapos ang naganap na engkwentro sa General Santos City.
Sa ulat ay kinilala ang nasawing pulis na si Patrolman Benjamin Donton Difuntorum III, kasapi ng General Santos City Police Office.
Ayon kay Brig. Gen. James Gulmatico, director ng Police Regional Office-12, napatay din ng kanyang mga tauhan ang dalawang target ng police dragnet na kinilalang sina Jessie Semina at alyas Tagre, kapwa sangkot sa ilegal na kalakalan ng droga at sinasabing pumaslang sa isang Didith Alejandria, sa nabanggit na lungsod.
Sa report ng GSPO, matapos na mag-positive ang kanilang intel report hinggil sa kanilang target ay ikinasa ang police operation sa Barangay Baluan ng naturang lungsod subalit pagsapit sa target area ay agad na sinalubong ng putok ng mga suspek ang mga pulis kaya nauwi ito sa palitan ng putok na tumagal ng ilang minuto.
Sa kasagsagan ng palitan ng putok ay nahagip si Difuntorum III sa iba’t-ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan, subalit nagawa siyang itabla ng mga kasamahan at napatay din ang dalawang suspects.