ISA na namang hinihinalang rocket debris ng China ang bumagsak sa dagat sa loob mismo ng teritoryo ng Pilipinas.
Ayon kay Major Cherry Tindog ng AFP Western Mindanao Command, nakatanggap sila ng impormasyon hinggil sa nakuhang debris sa dagat sakop ng Busuanga nuong Lunes .
“Said debris did not cause any casualty and does not pose any danger. At present, appropriate inter-agency action is ongoing to ensure its proper disposition,” ani Maj Tindog ng WESCOM.
Maging ang Philippine Coast Guard ay kinumpirma na muling nakarekober ng “unknown metallic debris” ang mga residente sa karagatan ng Brgy. Poblacion, Calintaan, Occidental Mindoro.
Ayon sa Philippine Coast Guard (PCG), nag-report sa pulisya ang residenteng si Roderick Fabie matapos nitong mamataan ang lumulutang sa karagatan na metallic debris na hinihinalang mula sa rocket.
Agad namang nagtungo sa lugar ang mga awtoridad para ikumpirma ang report ng mga mangingisda.
Narekober ng pulisya ang metallic debris na may puting pintura, curve shaped, at tinatayang anim na metro ang haba at may larawan ng bandila ng China. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)














