Nagbabala ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa mga taga-Palawan hinggil sa posibilidad na pagbagsak ng ‘rocket debris’ sa kanilang lugar kasunod ng ‘rocket launch’ ng People’s Republic of China.
Sa inilabas na abiso ng NDRRMC, nakatakda ang Long March 12 rocket launch mula Hainan International Commercial Launch center sa Wenchang, Hainan China mula alas-8 ng gabi hanggang alas-12 ng madaling araw sa pagitan ng November 30 hanggang December 5, 2024, kung saan inaasahang ang drop zone nito ay sa bahagi ng Rozul Reef at Quezon, Palawan.
Napag-alaman na may isa pang rocket ang ilulunsad ng China, ang Long March 3B rocket, mula sa Xichang Satellite Launch Center sa Liangshan Yi autonomous prefecture sa Sichuan.
“Details of the rocket drop zones were disclosed through a notice to airmen, which warned of an aerospace flight activity,” ayon sa PhilSA , kung saan posibleng mahulog ang debris mula sa kalangitan mula alas-2 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon sa pagitan ng December 3 at December 5, 2024 sa bahagi ng Rozul Reef at Busuanga, Palawan.
Dahil dito ay inatasan ng NDRRMC ang Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), Department of the Interior and Local Government (DILG), at Department of Environment and Natural Resources – National Mapping and Resource Information Authority (DENR-NAMRIA) na magpatupad ng mga hakbang upang protektahan ang mga papalaot sa karagatan sa mga natukoy na lugar.
Inalerto rin ang Regional Disaster Risk Reduction and Management Office (RDRRMO) ng MIMAROPA para bantayan ang pagbagsak ng anumang debris mula sa kalangitan.
Babala pa ng NDRRMC, sakaling may bumagsak na debris, pinag-iingat ng Philippine Space Agency ang publiko dahil nagtataglay umano ito ng mga kemikal na nakasasama sa kalusugan.
Aniya, nakasalalay sa pakikiisa at pagiging alerto ng publiko ang kanilang kaligtasan.