Latest News

ROAD CLOSURES, IPATUTUPAD KAUGNAY NG CHINESE NEW YEAR CELEBRATION

By: Baby Cuevas

Nakatakdang isara ng mga awtoridad ang ilang kalsada sa Maynila upang bigyang-daan ang pagdiriwang ng Chinese New Year sa Enero 29, 2025.

Ayon sa abiso ng Manila Police District-Public Information Office (MPD-PIO) na pinamumunuan ni Maj. Philipp Ines, sisimulan ang road closures, ganap na alas-9 ng gabi sa Martes, Enero 28.


Kabilang sa mga isasara ang kahabaan ng Quintin Paredes mula P. Burgos Avenue hanggang Dasmarinas St.; Jones Bridge; Plaza Cervantes; at Binondo-Intramuros Bridge.

Nakatakda rin namang magpatupad ng traffic rerouting scheme ang mga awtoridad upang maiwasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa lungsod.

Kaugnay nito ay pinayuhan ni Manila Police District Director PGen. Arnold Thomas Ibay ang mga motorista na magmumula sa Reina Regente St. na dadaan sa Juan Luna St. at gagamit ng southbound lane ng Jones Bridge, na kumaliwa sa Plaza Lorenzo Ruiz, kumanan sa Noberto Ty, kanan sa Yuchengco St., kaliwa sa Ongpin hanggang sa kani-kanilang destinasyon.


Ang mga motorista namang manggagaling sa P. Burgos Avenue/Taft Avenue na nagnanais gumamit ng Jones Bridge ay maaaring dumiretso sa McArthur Bridge o Quezon Bridge hanggang sa kanilang point of destination.

Ang mga behikulo naman na magmumula sa Plaza Sta. Cruz at gagamit ng Dasmariñas St. ay pinapayuhang kumanan sa Quintin Paredes St. hanggang sa kani-kanilang patutunguhan.


Samantala, ang mga motorista na mula sa Magallanes Drive patungong Binondo-Intramuros Bridge ay maaaring dumiretso sa A. Soriano Avenue hanggang sa Anda Circle patungo sa kani-kanilang destinasyon.

Ang mga sasakyan namang magmumula sa Muelle dela Industria patungong Binondo-Intramuros Bridge ay maaaring dumaan sa Madrid St., kanan sa San Fernando St., patungong Plaza San Ruiz, kaliwa sa Q. Paredes St., kanan sa Noberto Ty St., kanan sa Yuchengco at kaliwa sa Ongpin patungo sa kanilang point of destination.


Ayon kay Ibay, ang pagsasara at pagbubukas ng mga apektadong kalsada ay ibabase nila sa aktuwal na sitwasyon ng trapiko sa lugar.

Tags: Manila Police District-Public Information Office (MPD-PIO)

You May Also Like