Unang sigwada pa lamang ay inihayag na agad ng bagong talagang Philippine National Police (PNP) Chief P/Lt. General Rodolfo Azurin, Jr. na sinusuportahan niya ang panukalang rightsizing na pinasisimulan ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr.
Ayon sa ika-28 PNP Chief , hindi naman nangangahulugang ng downsizing o magbabawas sila ng tao o kawani sa Pambansang Pulisya subalit ayon sa heneral, sa ilalim ng kanyang administrasyon ay kanilang tutukuyin kung ilan talagang personnel ang kailangan sa bawat opisina.
Sa pamamagitan aniya nito ay mas magiging epektibo ang bawat kawani dahil tama o sapat lamang ang bilang ng tauhan na itatalaga sa bawat opisina o dibisyon.
Idinagdag pa ng bagong PNP chief na mas mag-iinvest din ang PNP sa teknolohiya upang makasabay sa makabagong panahon.
Kasunod nito, muling tinukoy ng bagong PNP Chief ang kanyang marching order sa mga kawani ng Pambansang Pulisya.
Kabilang dito ang pagpapaigting ng crime prevention at pagpapatuloy ng giyera kontra iligal na droga sa pamamagitan ng engagement sa mga local government units. (VICTOR BALDEMOR)














