DALAWANG lalaki ang sugatan matapos masagi ng truck mixer ang sinasakyan nilang motorsiklo, kamakalawa ng gabi sa panulukan ng Taft Avenue at Malvar Street sa Ermita, Maynila.
Isinugod sa Philippine General Hospital (PGH) ang mga biktimang sina Ireneo Ancheta y Rubianes, driver ng Honda XRM na may plate number 0201557814 at Jonathan Royopa y Manuel,backrider, dahil sa tinamong sugat sa katawan.
Iniimbestigahan naman ng Manila District Traffic Enforcement Unit ang suspek na si Ronie Quintana y Espera ,driver ng Truck Mixer na may plate no. UOX873.
Sa imbestigasyon ni PCMS Jun Jun Jasminez ng MDTEU, naganap ang insidente alas 8:45 ng gabi sa nabanggit na lugar.
Binabagtas ng mga biktima at suspek ang northbound lane ng Taft Avenue nang pagsapit sa General Malvar Street, ang likurang bahagi ng motorsiklo ay nabangga ng harapang bahagi ng truck mixer na naging dahilan para sumemplang ang mga biktima sa sementadong kalsada.
Inihahanda naman ang pagsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in physical injury laban sa suspek. (Philip Reyes)