Latest News

Rider, sumemplang sa madulas na kalye, patay sa 10-wheeler truck

By: Baby Cuevas

Agad na nasawi ang isang rider matapos sumemplang ang minamanehong motorsiklo sa madulas na kalsada at minalas na masagasaan pa ng isang 10-wheeler truck sa Tondo, Maynila nitong Sabado ng gabi.

Dead- on- arrival sa Tondo Medical Center Hospital ang biktimang si Leland Bernal II, 32, ng GSIS Village, Project 8, Quezon City dahil sa matinding pinsalang tinamo sa kanyang ulo at katawan habang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang driver ng truck na si alyas ‘Jojo,’ 46, ng Valenzuela City.

Sa ulat ng Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU) na dakong alas-9:30 ng gabi nang maganap ang aksidente sa northbound lane ng Mel Lopez Boulevard, kanto ng Katuparan St., Vitas, Tondo.


Bago ang aksidente ay binabagtas umano ng biktima, lulan ng kanyang motorsiklo ang northbound lane ng Mel Lopez Boulevard, sa Vitas, Tondo, nang pagsapit sa Katuparan St. ay isang tricycle, na nag-counterflow ang nasalubong nito sa kalsada.

Iniiwas umano ng biktima ang kanyang motorsiklo ngunit minalas na mawalan ng kontrol at sumemplang sa sementadong kalsada na nagkataong madulas din dahil sa mga buhanging nahulog mula sa dumaraang mga trak.


Dito na siya nasagasaan ng 10-wheeler truck na minamaneho ng suspek, na noon ay galing lamang sa pier at patungo sana sa Valenzuela City upang ibaba ang mga karga nilang kahoy.

Ayon sa truck driver, nagulat na lang siya at hindi na nagawa pang makapag-preno dahil sa bilis ng pangyayari.


Sa kasalukuyan ay hinahanap umano ng mga awtoridad ang driver ng tricycle na nag-counterflow sa nasabing lugar.

Tags: Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU)

You May Also Like

Most Read