RIDER, PISAK SA 18- WHEELER TRUCK

LASOG ang katawan ng isang motorcycle rider nang sumalpok ito at magulungan ng kasalubong na 18- wheeler cargo truck kamakalawa ng gabi sa Quirino Highway, Brgy. Sto. Cristo, CSJDM, Bulacan.

Ayon kay CSJDM Police chief Col. Rannie Lumactod, naganap ang sakuna bandang alas- 9:20 ng gabi sa kahabaan ng Quirino Highway, Brgy. Sto. Cristo, malapit sa Tialo Bridge, CSJDM.


Kinilala ni Col. Lumactod ang nasawing rider na si Arnel Olayvar y Bahan, 32 , tubong Agusan Del Norte at kasalukuyang naninirahan sa B3, L5, Philippine St., Towerville, Brgy. Sto. Cristo, CSJDM.

Hawak naman ng pulisya ang driver ng nakasalpukang truck na kinilalang si Demetrio San Juan y Tirados, 44, ng Binangonan Rizal, kasalukuyang naninirahan sa Brgy. Minuyan, Norzagaray, Bulacan.

Lumilitaw sa pagsisiyasat na sakay ang biktima ng isang SYM Motorcycle at tinatahak ang nasabing national road sa kasagsagan ng ulan, maputik at madulas na lansangan, southbound paglagpas ng Tialo Bridge papuntang Palmera, Starmall area, habang ang nakasalpukan nitong Isuzu truck, na may plakang RFE 531, ay nasa kabilang direksyon naman at northbound mula Palmera , Starmall papuntang Towerville.


Bigla umanong nawalan ng control sa kanyang motorsiklo ang biktima dahil sa ulan at dulas ng kalsada, dahilan upang sumemplang ito papunta sa kasalubong na 18-wheeler cargo truck .

Sumalpok ito sa kaliwang harapang bahagi ng truck at dahil sa lakas ng impact ay pumailalim ito at nagulungan ng truck at naipit sa pagitan ng dalawang gulong na naging sanhi ng dagliang kamatayan nito.


Kusang sumuko ang driver ng truck at pansamantalang nasa kustodiya ng kapulisan habang inihahanda ang kaukulang kaso.

Dinala naman ang bangkay ng biktima sa Faith Funeral ‘for proper disposition’. (VICTOR BALDEMOR RUIZ)


Tags: CSJDM Police chief Col. Rannie Lumactod

You May Also Like

Most Read