NAHAHARAP ngayon sa kasong reckless imprudence resulting in homicide ang tauhan ng isang vulcanizing shop matapos na mauwi sa kamatayan ng isang rider ang pagsabog ng gulong na binu-vulcanize nito sa lalawigan ng Cagayan.
Kinilala ang vulcanizing boy na si Edison Garcia, 44, residente ng bayan ng Camalaniugan sa nasabing lalawigan
Patay naman ang rider na kinilalang si Demi Balianca, 67, Brgy Kagawad ng Cullit, Lal-lo, Cagayan, na nasabugan ng gulong ng truck na binobombahan nang mamatay ang biktima.
Ayon kay PCapt. Jessie Alonzo, hepe ng Camalaniugan Police, nagtamo ng matinding tama sa binti at lumabas pa ang buto ng biktima nang sumabog ang gulong ng truck habang nilalagyan ng hangin sa vulcanizing shop.
Base sa inisyal na pagsisiyasat, nagpa-vulcanize ang biktima ng gulong ng kanyang motorsiklo kung saan katabi lamang nito ang sumabog na gulong ng trailer truck na posibleng nasobrahan sa hangin gamit ang compressor at napuruhan ang kagawad
Ayon kay PCapt. Alonzo, ‘human error’ ang dahilan ng insidente o nagkaroon ng kapabayaan ang vulcanizer.
Sa lakas ng pagsabog ay tinamaan ng debris ng gulong ang biktima, kasama ang bubong at bintana ng shop.