Latest News

Rider, patay sa hit-and-run

By: Philip Reyes

Patay ang isang rider nang ma-hit-and-run ng isang ‘closed van’ sa tapat ng isang simbahan sa Tondo, Maynila.

Ang biktima ay kinilalang si Christian Darren Isla, 25, field marshall, at residente ng J. Luna St., Gagalangin, Tondo. Namatay ito matapos na mahulog sa motorsiklo at magtamo ng matinding pinsala sa ulo at katawan.

Ayon sa Vehicle Traffic Investigation Section (VTIS) ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), alas-5:10 ng madaling araw nang maganap ang aksidente sa southbound lane ng Velasquez St., tapat ng simbahan sa Tondo.

Nabatid kay PCpl Allanion Aquino na sakay ng isang Honda Click Motorcycle na may plate number 338-QQC ang biktima at binabaybay ang southbound lane ng Velasquez Street, nang pagsapit sa tapat ng simbahan ay bigla na lang itong masagi ng isang closed van, na bumibiyahe din sa kaparehong direksiyon.

Tumilapon ang biktima mula sa motorsiklo at bumagsak sa sementadong kalsada, na nagresulta ng agaran nitong kamatayan.

Gayunman, sa halip na huminto ay mabilis na humarurot at tumakas ang van na nakasagian ng biktima, na walang suot na helmet nang mangyari ang insidente.

Samantala ay patuloy ang imbestigasyon ng VTIS para matukoy ang pagkakilanlan ng suspek at para sa ikadarakip nito.

Tags: ,

You May Also Like

Most Read