Patay ang isang 35 anyos na rider matapos na mabangga ng isang puting van at masagasaan pa ng isang kulay itim na Sedan nang tumilapon, kahapon ng madaling araw sa may kanto ng España Boulevard at Josefina St., Sampaloc, Maynila.
Namatay noon din ang biktimang si Mark Jeff Valeros,35, driver, ng motorcycle na Honda Beat at taga – 0313 San Miguel Village, Pasong Tamo,Makati City. Nasawi ito dahil sa matinding pinsala sa ulo at katawan.
Kapwa naman tumakas ang mga driver ng puting van at itim na sedan na patungo sa silangang direksiyon ng España Boulevard nang maganap ang insidente.
Sa imbestigasyon ng Manila District Traffic Enforcement Unit (MDTEU), naganap ang insidente alas- 4:20 ng madaling araw sa nabanggit na lugar.
Npag-aalaman na binabagtas ng biktima ang kahabaan ng España at pagsapit sa may panulukan ng Josefina Street .ay nabangga ang kanyang motorsiklo ng kasunod niyang puting van.
Tumilapon ang biktima pero nasagasaan naman siya ng dumarating.na itim na Sedan.
Sa halip na tulungan ang biktima ay hindi huminto ang dalawang sasakyan at iniwang nakahandusay ang walang buhay na biktima.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng MDTEU at inaalam ang pagkakakilanlan ng driver ng dalawang sasakyan.